+BARTOLOME
SA AWA NG DIYOS ARSOBISPO NG KONSTANTINOPLA-BAGONG ROMA
AT PATRIARKA EKUMENIKO
SA PANGKALAHATANG IGLESIA: NAWA ANG GRASYA, KAPAYAPAAN AT AWA NG KRISTONG MULING NABUHAY SA KALUWALHATIAN AY SUMAINYONG LAHAT
* * *
Matapos ang takbuhin ng asetikong pakikibaka o pagpapakasakit sa panahon ng Banal at Dakilang Kuwaresma at maranasan ng may pagsisisi ang kagalang-galang na Pasyon o Paghihirap ng Panginoon, tayo ngayon ay puno ng walang-hanggang liwanag ng Kanyang maluwalhating Muling Pagkabuhay, kaya pinupuri at niluluwalhati natin ang Kanyang walang-kapantay na pangalan, na ipinagsisigawan nang may buong kasiyahan sa buong mundo: ” Si Kristo ay Nabuhay!”
Ang Muling Pagkabuhay ay siyang panimula ng pananampalataya, debosyon, kultura at pagasa ng mga Kristiyanong Orthodox. Ang buhay ng Iglesia – sa kanyang banal-pantao, sakramental at liturhikal, gayundin sa espirituwal, moral, at pastoral na pagpapahayag at sa mga mabubuting patotoo patungkol sa grasya na nagmula kay Kristo at patungkol sa inaasahang “muling pagkabuhay ng lahat” – pagaanyo at pagpapakita nang pagkagapi ng kapangyarihan ng kamatayan sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ng ating Tagapagligtas, kasama ng pagpapalaya sa sangkatauhan mula sa “pagkakaalipin sa kasamaan.” Ang Muling Pagkabuhay na ito ay nasaksihan ng mga Banal at Martir ng pananampalataya, sa paraan ng doktrina at ethos o gawaing paguugali, subalit gayundin sa istrukturang kanonikal o nakalatag na mga tuntunin at tungkulin ng Iglesia, kasama ng mga banal na templo, monasteryo at mga dako na kapita-pitagan, ang banal na pagsusumikap ng mga pari at ang lubos na pagtupad ng yaong nagbigay ng kanilang “tinatamasa at pagkatao” kay Kristo bilang mga monastiko, kasama ng pag-iisip na ayon sa kaugalian (orthodox phronema) ng mga mananampalataya at ang di mapigilang huling hantungan ng ating kaluluwa (eschatological) sa daan ng buhay iglesia sa kabuuan.
Para sa ating mga Orthodox, ang pagdiriwang ng Paska ay hindi sandaling pag-iwas sa makamundong mga bagay at mga salungatan nito, subalit isang pagpapahayag ng ating matibay na pananampalataya na ang Tagapagligtas ng lahi ni Adam, na siyang yumapak sa kamatayan sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, ay siyang Panginoon ng kasaysayan, na sa pasimula siyang “ating kasama” at “para sa atin” Diyos ng pagmamahal. Ang Paska ay isang tiyak na karanasan na kung saan si Kristo ang Katotohanan na siyang nagpalaya sa atin; ito ang saligan, ang pag-iral ng ating buhay na tuwid at abot tanaw. “Kung wala ako ay wala kayong magagawang ano man” (Jn 15.5). Walang pangyayari, “hirap, ang hapis, ang paguusig, ang gutom, ang kahubaran, ang panganib, ang tabak” (Rm 8.35) ang siyang makapaghihiwalay sa mananampalataya mula sa pagmamahal ni Kristo. Itong matatag na paniniwala ang pumupukaw at nagpapalakas ng ating pagiging malikhain at kagustuhan na manatili sa mundo “katulong ng Diyos” (1 Cor 3.9). Ito ay nagbibigay katiyakan, na sa mukha ng bawat di malampasang pagsubok at di-pagkakasundo, na walang kalutasan mula sa tao, ay naroon pa din ang pagasa at paniniwala. “Ang lahat ay kaya ko sa tulong niyaong nagpapalakas sa akin” (Fil 4.13). Sa nabuhay na Kristo ating nalalaman na ang kasamaan, ano mang anyo ang kunin nito, ay walang huling panalita sa paglalakbay ng sangkatauhan.
Magkaganunman, kahit tayo ay puno ng pasasalamat at kaligayahan para sa mataas na pagpapahalaga na ibinibigay sa tao ng ating Panginoon ng kaluwalhatian, tayo ay nasiraan ng loob sa harap ng iba’t-ibang mukha ng karahasan, kawalang katarungan sa lipunan at paglabag sa karapatang pantao sa ating panahon. “Ang maliwanag na mensahe ng muling pagkabuhay at ating sigaw “Si Kristo ay Nabuhay!” sa ngayon ay umaalingawngaw kasabay ng mga nakakatakot na tunog ng mga armas, ng mga mapighating pagiyak ng mga walang-sala na biktima na dulot ng pananalakay ng militar at ng kalagayan ng mga taong tumakas na karamihan sa kanila ay mga walang-malay na mga bata. Nakita ng aming mga mata ang lahat ng suliraning ito sa aming nakaraang pagbisita sa bansang Polonya (Poland), na kung saan ang karamihan mula sa Ukranya (Ukraine) ay dito tumakas. Kami ay naninindigan at nakikiisa sa paghihirap ng mga tapat at matatapang na mamamayan ng Ukranya (Ukraine) na nagdadala ng mabigat na krus. Kami ay nanalangin at nagsusumikap para sa kapayapaan at gayun din ay hustisya para sa mga pinagkaitan nito. Hindi katanggaptanggap para sa ating mga Kristiyano na manatiling tahimik sa harap ng pagkawala ng dignidad ng tao. Kasama ng mga biktima ng di pagkakasundong militar, ay ang “labis na nasawi” sa digmaan ay ang sangkatauhan, na hindi nagawang alisin ang digmaan sa kanyang mahabang kasaysayan. Sa digmaan, hindi lamang suliranin ang hindi nalulutas; kundi ito ay lumilikha ng bago at higit na suliranin. Ito ay nagtatanim ng pagkakahati at poot; mas pinalalawig nito ang di pagkakasundo ng mga tao. Ang aming paniniwala ay matibay na ang sangkatauhan ay may kakayahang mamuhay ng walang digmaan at kaguluhan.
Ang Iglesia ni Kristo ay likas na gumaganap bilang alagad ng kapayapaan. Hindi lamang ito nagdarasal “para sa kapayaapan na nagmumula sa itaas” at “ang kapayapaan ng sansinukob” subalit binibigyang halaga nito ang pagsusumikap ng tao na maitaguyod ang kapayapaan. Ang pangunahing katangian ng isang Kristiyano ay “tagapagpalaganap ng kapayapaan.” Binasbasan ni Kristo ang mga nagsasagawa ng kapayaapan, na kung saan ang kanilang pagsusumikap ay tunay na pananahan ng Diyos sa mundo at nilalarawan ang kapayapaan “na higit pa sa kaya nating maunawaan” (Fil. 4.7) sa “bagong nilikha,” ang kahariang nasa langit ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo. Sa masusing pagbibigay-diin sa dokumento ng Patriarkado Ekumeniko (Ecumenical Patriarchate), na may pamagat na Para sa Buhay ng Mundo, ang panlipunang gawaing paguugali o ethos ng Iglesia Orthodox, ang Iglesia ay “pinararangalan ang mga martir para sa kapayapaan bilang saksi sa kapangyarihan ng pag-ibig, para sa kabutihan ng nilikha sa una at huling anyo nito, at para sa tamang paguugali ng tao na siyang itinatag ni Kristo moong panahon ng kanyang pangangaral sa lupa” (§ 44).
Ang Paska ay pista ng kalayaan, kasiyahan at kapayapaan. Ating pinagpipitagang puri ang Muling Pagkabuhay ni Kristo na kung saan ay ating mararanasan ang sarili nating pakikipagkaisa sa muling pagkabuhay. At matapat nating sinasamba ang dakilang misteryo ng Banal na Pamamalakad at tayo ay nakikibahagi “sa kapistahan na para sa lahat.” Sa ganitong damdamin, mula sa pamunuan ng Iglesia ng Konstantinopla, na walang hanggang nakikiisa sa Krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoon, aming ipinaabot sa inyong lahat ang aming pagbati, mga kagalang-galang na kapatid sa pamunuan sa Iglesia at mga minamahal na anak, ang aming buong pagbating Paskal, pagtawag para sa inyo ng grasya at awa ni Kristo na Diyos ng lahat na siyang naglagay sa Hades sa kamatayan at nagbigay sa atin ng buhay na walang hanggan.
Mula sa Panar, Banal na Paska 2022
+ Bartolome ng Konstantinopla
Ang inyong masugid na tagapagsumamo sa Panginoon na Muling Nabuhay