✠ BARTOLOME
SA AWA NG DIYOS
ARSOBISPO NG KONSTANTINOPLA – BAGONG ROMA AT PATRIYARKA EKUMENIKO
SA PANGKALAHATANG IGLESYA,
NAWA ANG BIYAYA AT KAPAYAPAAN NG ATING PANGINOON AT TAGA-PAGLIGTAS NA SI JESUCRISTO,
KASAMA NG AMING PANALANGIN, PAGPAPALA AT KAPATAWARAN AY SUMAINYONG LAHAT
Mga Lubhang Kagalang-galang na Kapatid na Herarka at mga pinapagpala na anak sa Panginoon,
Sa kabutihang-loob at grasya ng mapagmahal at mapagpala nating Diyos, sa kasalukuyang nga ay tinatahak natin ang mabiyaya at kapita-pitagang panahon ng Triodion, bukas tayo naman ay lalahok sa Banal at Dakilang Kuwaresma, ang dako ng pakikibaka sa pag-aayuno at “karampatang pag-iwas” na nagpapawalang-bisa ng hilig ng katawan, panahon na kung saan ang lalim at yaman ng Tradisyong Ortodox at ang masigasig na pangangalaga ng Iglesiya sa espirituwal na pag-unlad ng kanyang mga anak ay lalong nahahayag. Na tayo nga ay pinaaalalahanan ng Banal at Dakilang Konseho ng Creta (Hunyo, 2016), “ang Iglesiya Ortodoxa, sa mahigpit na pagsunod sa mga alituntunin ng mga apostol, mga panuntunan ng mga sinodo, at ang kabuuan ng tradisyon ng mga ama ng Iglesiya, ay patuloy na ipinapahayag ang kahalagahan ng pag-aayuno sa ating buhay espirituwal at sa ating kaligtasan” (Ang Kahalagahan ng Pag-aayuno at Pag-sasagawa Nito sa Kasalukuyan, para. 1)
May matibay na saligang teolohikal at soteryolohikal ang lahat ng bagay sa buhay ng Iglesiya. Ang mga Kristiyanong Ortodox ay nakikibahagi sa “pangkalahatang pag-susumikap” ng asesis (o, ang tuwirang disiplina sa sarili sa pagtalikod sa makamundong bagay) at pag-aayuno, na “nagpapasalamat sa lahat ng mga bagay” (1 Tes. 5.18). Iniimbitahan ng Iglesiya ang kanyang mga anak na magpatuloy sa takbuhin ng asetikong pag-papalakas bilang paglalakbay patungo sa Banal na Paska. Ito ay pangunahing karanasan sa buhay kay Kristo na ang tunay na asetesismo ay hindi kailanman para sa ikatatamlay, bagkus ay para sa lalong kasiglahang dala ng ating pag-asa sa kagalakan ng pagkabuhay na mag-uli. Ang ating himnolohiya o awit sa Iglesiya ay nagsasalita tungkol sa “bukal ng pag-aayuno.”
Sa ganitong kahulugan, malayo sa mga kahibangan na dualismo ng Neoplatonista (kaisipan na nagsusulong na ang lahat ay nagmula sa iisa na di kalaunan ay patutunguhan ng kaluluwa) at ang nakapanghihinaang pagsisikap na “pasakitan ang sarili,” hindi maaring maging layunin ng tunay na asetisismo ang pagpuksa sa “masamang katawan” para sa kapakanan ng espiritu o ang kaligtasan ng kaluluwa mula sa hagupit ng mga tanikala nito. Gayunpaman ay ipinapapansin na, “sa tunay na pagpapahayag nito, ang asesismo o pagtatakwil sa sarili ay hindi nakatuon sa katawan kung hindi sa mga hilig nito, na ang ugat ay espirituwal dahil ang pag-iisip ang siyang unang nahuhulog sa mga ito. Sa gayon, hindi ang katawan ang siyang maigting na katunggali ng asetiko (o paraan ng pagtatakwil sa sarili).
Ang asetikong pagsusumikap ay itinutuloy nang higit pa sa kanyang sariling kakayahan, alang-alang sa pag-ibig na “hindi hinahanap ang pansariling pagaari” at hindi nanatiling alipin ng sarili, sa “walang katapusang pagpapahalaga sa sarili” at and mga hindi maibsan na kagustuhan nito. Sa pagiging makasarili, tayo ay nalilimitahan at nawawala ang ating pagiging malikhain, gaya ng nasabi: “Anuman na ating ibinabahagi ay dumarami; at anuman ang ating itinatago para sa ating sarili ay naglalaho.” Sa ganitong dahilan, ang karunungan ng mga Ama at karanasan ng Iglesiya ay inuugnay ang panahon ng pag-aayuno sa “pagpapahirang ng habag”, na may mabubuting gawa, at pilantropiya, na siyang patunay na kayang higitan ang pagmamahal sa sarili at pagtamo ng ganap na buhay.
Ang gayong kabuuan ay ang laging katangian ng buhay sa loob ng Iglesiya. Ang buhay liturhikal, asesismo, kabanalan, pastoral na pangangalaga at mabuting pagpapakasaksi sa mundo, ay pagpapahayag ng katotohanan ng ating pananamplataya, na ang mga elementong ito ay magkakaugnay at kapwa humuhubog sa ating pagkakakilanlan bilang Cristiano, na hindi winawaglit sa ating isipan at patuloy na nakatanaw sa dumarating na Kaharian at kaganapan ng lahat ng mga bagay na ayon sa kalooban ng Diyos. Bagaman inilalarawan at ipinapakita ng mga ito ang dumarating na Kaharian ng Ama, Anak, at Espiritu Santo, nangingibabaw sa lahat ang misteryo ng Banal na Eukaristiya, na ayon nga sa may “mapagpalang alaala” na Metropolitano Juan ng Pergamon, na kamakailan lang ay pumanaw na, “ay ipinapahayag ang Iglesiya sa kabuuan nito.” (The Image of the Heavenly Kingdom, Megara 2013, p. 59). “Ang dalisay na pakikipag-isa,” ang pagbabago ng ating buhay tungo sa pagiging bahagi ng Iglesiya, bilang pakikilahok sa Banal na Eukaristiya, ay ang “katapusan” ng pag-aayuno, ang “korona” at ang “premyo” ng asetikong pakikibaka. [tingnan Juan Krisostomo, Homiliya sa Isaias VI: Sa Mga Anghel (Seraphim), para 56.139].
Sa panahon ngayon nang pagkawala ng kabanalan ng buhay, kung saan ang sangkatauhan “ay nagbibigay ng malaking importansiya sa lubos na walang kabuluhan na mga bagay,” ang misyon ng Cristiano ay ang praktikal na pagtaas ng kalaliman ng ating “pagkatatlong-bahagi ng espiritwalidad” na Ortodox bilang hindi maaaring paghiwalayin na buhay ng pananampalataya, asetikong paninindigan, at pagkakaisa, ang esensya ng rebolusyon ng mga halaga sa larangan ng ethos at sibilisasyon na binubuo ng pananampalataya kay Cristo at ng biyayang ibinigay ng Diyos sa kanyang mga anak na malaya. Ipinapakita namin ang napapanahong kahalagahan na dapat nating ipagdiwang ang Banal at Malaking Araw ng Pag-aayuno bilang pagpapakita at karanasan ng tunay na kahulugan ng kalayaan “na sa ganitong paraan ay pinalaya tayo ni Cristo” (Gal. 5:1).
Taglay ang mga ganitong saloobin at damdamin ng pagmamahal at karangalan, nawa’y maging patag ang inyong landas na tinatahak sa larangan ng pangingilin, aming pinaka-ikinararangal na mga kapatid kay Cristo at mga anak sa espiritu ng ating Inang Igelsiya sa buong mundo, na ang biyaya at awa ni Cristo ang aming ipinagdarasal, Siya na laging nalulugod sa mga asetikong pagsusumikap ng kanyang mga lingkod. Sa Kanya nabibilang ang pagpapala at kaluwalhatian ng Kaharian, ngayon at magpakailanman, at sa magpasawalang-hanggan. Amen.
Banal at Dakilang Kuwaresma 2023
✠ BARTOLOME ng Konstantinopla
Masugid na tagapag-sumamo sa lahat sa harapan ng Diyos
_________
photo: Nikos Papachristou / Ecumenical Patriarchate